Naging mainit, emosyonal, at puno ng galit ang naganap na komprontasyon sa pagitan ng mga nagdadalamhating fur parents at ng may-ari ng Ahjay Paws Aftercare Pet Crematorium na si Jonathan Legaspi, sa pulong na pinangunahan ng LGU ng Bacoor City, Cavite.

Umabot sa sukdulan ang poot ng mga pamilya matapos madiskubre ang namayapa nilang furbabies na nakasupot at itinapon lamang sa isang bakanteng lote sa San Jose del Monte, Bulacan sa halip na i-cremate nang maayos.

Lalong nagpuyos ang galit ng mga pet owners dahil sa naging reaksyon ni Legaspi na humarap umano nang pangiti-ngiti, walang bakas ng pagsisisi, at tahasang naghugas-kamay sa insidente. Sa kanyang depensa, iginiit ng may-ari na wala silang kasalanan at pinalalabas na maaaring sa ibang pasilidad nagpa-cremate ang mga biktima dahil wala namang direktang ebidensya o CCTV sa mismong pinagtapunan sa Bulacan.

Bagamat inamin niyang may mga labi silang ibinabyahe patungong Caloocan City dahil nandoon ang kanilang makina, wala siyang maipakitang logbook o video na magpapatunay na totoong sumailalim sa cremation ang mga hayop, at inamin din niyang hindi niya matitiyak kung kaninong abo ang laman ng mga urn na una nang naisoli sa mga pamilya.

Hindi naman pinalampas ng mga nagdadalamhating fur parents ang mga palusot ng may-ari dahil ang mga nakasulat na pangalan, timbang, at tags sa mga sako ng bangkay ay eksaktong tugma sa kanilang mga pumanaw na alaga. Labis ang iyak ng mga biktima na nakaramdam ng matinding panloloko matapos mapagtanto na peke ang abong kanilang inuuwian at iniiyakan sa kani-kanilang mga bahay.

Sa halip na tawad ay alok na refund lamang ang ibinigay ng may-ari, kaya naman agad na ipinatigil at ipinasara ni Mayor Revilla ang operasyon ng Ahjay Paws habang inihahanda na ng mga pamilya, sa tulong ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS) at lokal na pulisya, ang pagsasampa ng reklamong kriminal na Estafa laban kay Legaspi.

Samantala, kinumpirma naman ng animal welfare group na Luna and Furry Siblings na matagumpay nang nakilala at nakuha ng kani-kanilang mga pamilya ang lahat ng 25 furbabies upang mabigyan sa wakas ng isang maayos at disenteng libing.

CONTRIBUTED VIDEO | PHOTOS: Luna and Furry Siblings